Thu. Apr 25th, 2024

Para sa mga gustong mag abroad, heto ang dalawang sentimong payo ko. Kukuwento ko sayo ang mga karanasan ko at kuwento ng ibang mga OFW na nakasama at nakasalamuha ko.

Pinapangunahan na kita bago mo pa ituloy ang pagbabasa nitong blog post ko dahil baka inaakala mo na tuturuan kita kung saang employment agency ka dapat pumunta para mag apply o ano ang mga tamang proseso na kailangan mo gawin at mga dokumentong dapat mayroon ka para makaalis. Kung yan nga ang inaasahan mo, ngayon pa lang sinasabi ko na sa’yo na mali ka ng website na napuntahan. Ayokong turuan ka kung saang agency ka dapat magpunta dahil baka maging biktima ka pa ng illegal recruiter ako pa ang sisihin mo. Sigurado din naman ako na may alam ka ng mga agencies dahil may kakilala ka abroad na tinuruan ka na kung saan ka maghahanap ng mga lehitimong agencies.

Sa totoo lang marami akong sasabihin na baka makapagbago ng isip mo pero hindi ko naman nilalayon na ma-discourage ka sa pag-alis. Kahit na tuluyan ng maging brain dead ang Pilipinas dahil sa pag-alis ng mga Pilipino, ang remittances naman ng mga OFW ang isa sa mga rason kung bakit kahit paano ay nakakasurvive pa ang ekonomiya ng Pilipinas. Yun nga lang sana sa pagtaas ng piso kontra dolyar ay bumaba din ang bilihin dahil nalulugi ang mga OFW na nagpapadala ng dolyar araw araw dahil lumiliit na ang halaga ng perang pinapadala nila. Pero siyempre, hindi naman ito nangyayari. Wishful thinking lang.

May mga bagay lang ako na gustong itanong sa iyo kung bakit gusto mo maging OFW. Wala namang tama o maling sagot, maliban na lang kung hindi ka sasagot ng tapat.

Una, bakit gusto mo mag-abroad?

Para kumita ng pera, para kanino? Para sa’yo at mabili mo lahat ng gusto mo o para makatulong sa pamilya mo? Para layasan ang sa tingin mo ay walang kuwentang buhay mo sa Pinas? Para makapag travel at makapag post ng mga pictures sa Facebook at isipin ng mga kakilala mo na ang yaman yaman mo na at isa ka ng certified jetsetter?

Bago ka umalis, siguraduhin mo na desidido at valid ang mga rason mo dahil wala ng balikan ito. Kapag nasubukan mo kumita ng dolyar, mahirap na muling mag trabaho sa Pilipinas lalo pa kung ang napuntahan mong bansa ay walang tax katulad ng sa Middle East at natatanggap mo ng buo ang suweldo mo. Walang bawas, may mga kung ano ano pa na allowances. Kung gusto mo naman umalis para makatulong sa pamilya mo, asahan mo na once nagsimula ka ng magpadala lalo na ng mga balikbayan boxes, dadami na ang mga kamag-anak mo. Kahit na yung mga hindi kumakausap at hindi pumapansin sa’yo noon. Lalo na ang mga tiyahin at tiyuhin mo na may mga anak na bagong graduate at kapareho mo ang natapos, hihilingin nila na matutulungan mo din ang anak nila para makapag-abroad. Maraming pera equals maraming kamag-anak. (Ito po ay hindi base sa sarili kong karanasan, pramis!)

Pangalawa, saang bansa mo gusto magpa-alila at bakit ito ang napili mo na puntahan?

Hindi ka nagkamali ng basa, talagang magpa-alila ang sinulat ko dahil once na umalis ka sa sariling bansa mo at nangibang bayan ka para magtrabaho, alila na ang tingin sa’yo ng mga lokal sa bansang pupuntahan mo. Kahit propesyonal ka at marami ka ng work experiences sa mga multinational companies sa Pilipinas kung saan mataas na ang posisyon mo, alila pa rin ang tingin nila sa’yo. O kaya kaagaw. Kaagaw ka nila sa mga magagandang trabaho at kaiinisan ka nila dahil ginagamit mo ang resources nila na dapat sana ay para lang sa kanila.

Nakapagtrabaho na ako sa tatlong magkakaibang bansa at kung gaano kinalaki ang pagkakaiba iba sa pamamaraan ng pamumuhay, ganoon din ang pagkakaiba ng pagtrato nila sa mga expats. Iyong sa una at pangatlong trabaho ko, bilib na bilib sa akin iyong boss ko. Samantalang sa pangalawang trabaho ko, tingin ng boss ko sa akin, utak pulboron. Pero kung tutuusin nakakabobo naman talaga ang pangalawang trabaho ko. Walang wala sa una at kasalukuyang trabaho ko. Kaya kung talagang desidido ka na mag abroad, kung ako sa’yo pipiliin ko muna ang bansa na third world din at medyo nakakaangat lang ng kaunti ang pamumuhay sa atin dahil kung pipiliin mo na sa first world country agad magtrabaho siguraduhin mo lang na may maipagmamalaki ka dahil kung hindi, lalamunin ka nila ng buong buo.  Alam ko na ilang beses mo na din narinig yung cliché na “size doesn’t matter, performance does.” Bago pa maging berde ang pag-iisip mo, ibig sabihin ko lang na kilala ang mga Pilipino na maliliit na tao. Hindi lang sa height pero maging sa katayuan din natin sa pandaigdigang pananaw. Kaya kung gagalingan mo ang performance mo sa trabaho at ipapakita mo na hindi ka puwedeng ismolin, hindi nga nila iyon gagawin.

Pangatlo, sa tingin mo kaya mo ba ang homesick?

Kahit na gaano mo pa hinahanda ang sarili mo, pag tinamaan ka ng homesick, kahit sinong taong matino, nababaliw. Maniwala ka, kaya yung mga nababalitaan mo na nagsuicide dahil homesick, hindi exaggerated ang mga kuwento na yun. Naiingayan ka sa bunganga ng nanay mo kaya gusto mo umalis? Sigurado ako, hahanap hanapin mo ang nanay mo kahit na gaano pa siya kaingay kapag mag-isa ka na lang sa tahimik mong kuwarto pag-uwi mo galing sa trabaho. Kahit kahol ng aso ng kapitbahay mo, hahanap hanapin mo.

Hindi biro ang homesick kahit na sabihin mo na madali na ang komunikasyon ngayon kaysa dati na snail mail lang at sobrang mahal na long distance calls lang ang paraan para makausap mo ang mga mahal mo sa buhay na nasa Pilipinas. Ako, hindi ako masyado nakikipag chat ng may webcam kasi mas nararamdaman ko ang distansya kapag nakikita ko ang mga mahal ko sa buhay sa computer screen lalo kapag may time difference. Tirik na tirik ang araw sa bansa kung nasaan ka, samantalang sa Pilipinas oras na ng pagtulog. Mas mahirap pa kapag may okasyon tulad ng Pasko, Bagong Taon at birthday mo. Lalo na kung may pasok ka noong araw na iyon. Sa Pilipinas lang naman maraming holiday at may birthday leave. Huwag ka rin maniwala sa sinasabi nila na sa simula lang ang homesickness dahil para yang magnanakaw, hindi mo alam kung kailan aatake. Kung minsan nga mas mahirap pa umalis matapos ang ilang beses mo nang nagpabalik balik sa abroad.

Pang-apat gaano katagal mo balak mag-abroad?

Kung sigurado ka na halimbawa limang taon mo lang balak umalis, ilista mo lahat ng goals mo dahil ung limang taon mo na yan baka madagdagan pa ng limang taon pa ulit o limang taon pa ulit at baka magulat ka na tumanda ka na pala sa abroad ng hindi mo namamalayan.

Mahirap malayo sa pamilya lalo na sa mga anak na lumalaki at tumatanda dahil baka isang beses pag-uwi mo, hindi ka na nila kilala o isumbat nila sa’yo ung mga panahon na wala ka sa tuwing kailangan ka nila kahit na ang paglayo mo ay sakripisyo para mabigyan sila ng magandang buhay. O kaya naman dumating sa punto na mas gusto ng pamilya mo na nasa abroad ka para patuloy pa din ang remittances mo at matustusan mo lahat ng luho nila kaysa gustuhin nila na nasa Pilipinas ka sa piling nila. Mahirap din ang masyadong matagal sa abroad lalo pa at may balak ka naman talagang umuwi ng Pilipinas for good. Nakakapanibago. Mahirap ng sumabay sa kung ano ang uso at mahirap ng baguhin kung ano ang nakasanayan na. Ganoon talaga kahit na Pilipinong Pilipino ka sa puso at diwa, kailangan mo mag-adapt at ipamuhay ang kultura ng bansa na pansamantala mong tinutuluyan. Madali mo makikita kung ano ang tamang ginagawa nila na hindi natin ginagawa. Yun nga lang kung minsan pati yung maling ginagawa nila nakukuha din natin dahil sa ating pakikibagay.

Pang-lima, mayroon ka bang makapal na mukha at matibay na sikmura?

Dapat mayroon kang makapal na mukha at matibay na sikmura bago ka mag abroad dahil siguradong madedegrade ka. Self-pity mode. Hindi ka pa man kilala ng mga makakatrabaho mo, hinuhusgahan ka na nila base sa kung ano ang persepsyon nila sa Pilipinas o kung ano ang bagong balita tungkol sa ating bansa na nakatawag ng pansin ng international media. Hindi mo pa napapatunayan ang sarili mo bagsak ka na sa evaluation. Kung minsan dala ng kawalan nila ng malay at kaalaman sa kung ano talaga ang totoo, iyong iba naman sobrang dunong may nabalitaan lang akala na lahat ng Pilipino ganoon. Noong una na-ooffend pa ako kaya lang nakakapagod magpaliwanag at nakakapagod subukang ipakita sa kanila na hindi ganoon ang mga Pilipino kung napapanood, nababasa at naririnig naman nila ang kabaligtaran ng mga sinasabi at ipinapakita ko. 

Marami akong mga nakausap na mga propesyonal nung nasa Pilipinas sila pero pagdating sa abroad, mga skilled workers. Kung minsan self-pity pa ang mas mahirap kalaban ng mga OFW kaysa sa homesickness. Kapag homesick ka tawag ka lang sa Pilipinas at kapag narinig mo na ang boses ng mga mahal mo sa buhay, nagiging okay ka na kung minsan. O kaya naman labas ka lang at maglakad lakad, malilibang ka na at pansamantala mong makakalimutan ang lungkot. Pero ang awa sa sarili? Mahirap. Hindi mo rin naman maikuwento sa pamilya mo dahil ayaw mo na mag-alala sila sa’yo kaya lagi ka nagpapanggap na ayos ang lahat.

Sa totoo lang madali lang maabot ang mga pangarap at kahilingan para sa isang komportable at marangyang buhay kapag nag abroad ka. Hindi na muling madudurog ang puso mo kapag hindi mo maibigay ang gusto at pangangailangan ng pamilya mo dahil kumikita ka na ng medyo malaki kumpara sa kinikita mo nung nasa Pilipinas ka pa at unti unti mo naangat ang antas ng inyong pamumuhay. Pero siguradong mag-iiba ka. Iba ka nung umalis ka, ibang ikaw rin ang babalik sa Pilipinas at sa mga mahal mo. Marami kang magiging karanasan abroad na makakapagpabago ng pananaw, prinsipyo at paniniwala mo sa buhay. Maaring sa ikabubuti mo, maaring sa ikasasama mo.

Sa sampung taong pag aabroad ko, akala ko sanay na ako at akala ko matibay na ako. Sa paglipat lipat ko ng bansa, akala ko mas madali na ang lahat. Madali na ako makakapag adjust, sanay na ako sa racism at superiority complex ng mga lokal, hindi na ako aatakehin ng homesickness at self-pity, hindi na ako ma-culture shock at kaya ko na lampasan ang language barrier.

Mali pala ako dahil lahat bago ulit. Parang nagsisimula ka naman sa wala.

Tulad ng sinabi ko na, hindi kita dinidiscourage na mag-abroad dahil ako mismo kahit nahihirapan, hindi ko na nakikita ang sarili ko na magtrabaho muli sa Pilipinas. Hindi ko naman sinasabi na hindi darating ang panahon na iyon dahil uuwi at uuwi ako at sa Pilipinas pa rin ang aking tahanan. Kung minsan dumadating ang punto na nagsisisi ako kung bakit pa ako umalis, tumaas tuloy ang expectations ko at expectations ng iba sa akin. Pakiramdam ko maraming mga karanasan at pangyayari sa buhay ko at ng mga mahal ko ang hindi ko naranasan ng magkakasama kami. May mga pagkakataon na parang hindi mo na kilala ang pamilya, mahal sa buhay at mga kaibigan mo dahil sa ilang buwan at taon na hindi ninyo pagkikita ay parang sanay na sila ng wala ka sa piling nila. Dumarating at nararamdaman ko man ang mga ganitong bagay, alam ko na may rason at dahilan kung bakit may mga desisyon tayo na kung minsan man ay pinanghinayangan natin, ito yung mga desisyong ginawa natin base sa kung ano ang makakabuti at tama nung panahong iyon.

Naiisip ko nga na kung alam ko kaya ang mga bagay na alam ko ngayon tungkol sa pag-aabroad at pagiging OFW, aalis pa kaya ako? Ikaw, ano sa palagay mo?

An Overseas Filipino Worker since 2008, Yvette is back in the Middle East after a brief stint in a first world country in South East Asia. She is a binge watcher and is part of numerous fandoms. She writes to keep her sanity (read her rantings on Wattpad @yvette_dc) and is happiest when she's in a bookstore. If given the resources, she would see the world.

By Yvette

An Overseas Filipino Worker since 2008, Yvette is back in the Middle East after a brief stint in a first world country in South East Asia. She is a binge watcher and is part of numerous fandoms. She writes to keep her sanity (read her rantings on Wattpad @yvette_dc) and is happiest when she's in a bookstore. If given the resources, she would see the world.

Leave a Reply

Your email address will not be published.